migrante international

Entries from July 2007

Labanan at ibasura ang pasistang Anti-Terrorism Act

July 11, 2007 · 1 Comment

Panibagong mga atake sa karapatan ang naka-amba sa mga migranteng Pilipino ngayong pasado na at ipapatupad ang Human Security Act ng rehimeng US-Arroyo. Dagdag itong kakaharapin ng mga migranteng Pilipino bukod pa sa mga mapanupil na batas tulad ng mga Anti-Terror Law sa mga tinutuluyang bansa.

Bunsod ng “pandaigdigang gera kontra-terorismo” ng imperyalismong US, nagsulputan ang mga Anti-Terror Law sa iba’t-ibang bansa. Nagresulta ito sa mga crack-down at persekusyon ng mga migrante. Daan-daan Pinoy sa US, Japan, Korea, Italy at iba pang bansa ang hinuhuli at dineport. Pangunahin silang pinagsususpetsahang terorista sa batayan lamang ng kanilang istatus bilang mga migrante. Makikisali pa sa mga pandarahas na ito ang rehimeng Arroyo, ang gubyernong nakikinabang mismo sa bilyong pisong remitans ng mga kababayan sa ibayong dagat.

Sintensyang kamatayan ang ipinataw ng rehimeng Arroyo sa karapatang pantao at kalayaang sibil sa pamamagitan ng Human Security Act (HSA). Dito, ang sinuman ay maaaring arestuhin ng walang warrant, ikulong ng hanggang tatlong araw ng walang kaso, limitahan o tiktikan ang komunikasyon, busisiin ang bank account at iba pa, basta’t mapaghinalaang “terorista” sa kanilang baluktot at problematikong pakahulugan. Tahasang labag ito sa Bill of Rights ng Konstitusyon ng bansa.

Binigyang legalidad at papatindihin pa ng HSA ang lantarang pasismong pinakakawalan ng administrasyong Arroyo sa hanay ng mamamayang lumalaban sa kinamumuhian at pahirap na rehimen. Palalalain pa nito ang halos 1,000 nang kaso ng pampulitikang pamamaslang at may 200 kaso ng pagdukot. Gagawin pa nitong sistematiko ang paglaganap ng militar sa kanayunan at kalunsuran at ang mga abuso at harrassment na isinasagawa ng mga ito.

Karugtong ang HSA ng mga Oplan Bantay Laya, calibrated preemptive response, PP1017 at EO 464. Pagsunod ito sa dikta ng imperyalismong US upang patibayin ang krusyal nitong suporta sa kasalukuyang administrasyon. Ang lahat ay nakadisenyo para patagalin ang rehimeng Arroyo sa kapangyarihan.

May probisyong extra-territorial ang HSA. Sinasaklaw nito maging ang mga Pilipino sa ibayong dagat. Kung susuriin, kung gaanong ka-walang interes ang rehimeng Arroyo na protektahan ang mga OFW gayun naman ka-interesado itong supilin sila. Mabilis naghuhugas-kamay ang gubyerno kung nagigipit sa mga usapin ng pagbitay, pagkulong, pagmaltrato o pagkaltas ng sahod ng OFW. Madali nitong sabihin na wala itong magagawa dahil iba ang batas at iba ang gubyerno sa ibayong dagat. Pero mapangahas nitong sinaklaw ang mga migrante sa HSA.

Tulad ng malawak na masa ng sambayanan, nasa migrante at pamilya ang lahat ng dahilan para kumilos at patalsikin ang rehimeng Arroyo. Pinasisidhi pa ang mga patakaran ng paluluwas ng migrante para ibsan ang krisis ng bulok na sistema ng lipunan. Tumitindi ang paghihirap ng migrante at pamilya sa bumabagsak na halaga ng remitans at tumataas na presyo ng bilihin. Ibayong kinakatas ng sari-saring singil at buwis ang mga migrante. Kabi-kabila ang kaso ng paglabag sa kanilang mga karapatan.

Ang lehitimong paglaban ng mga migrante at pamilya laban sa mga anti-migranteng patakaran at bulok na rehimen ay ligal at mas pangahas nang susupilin dahil sa HSA. Bibigyang kapangyarihan din nito ang rehimeng Arroyo na direktang gipitin at labagin ang karapatan ng mga makabayang Pinoy na political refugee sa ibayong dagat tulad ni Prof. Jose Maria Sison. Bagaman ginagarantiyahan ng mga internasyunal na batas si Prof. Sison, ginagagad siya ng panggigipit ng imperyalismong US at mga papet na gubyerno nito dahil sa kanyang magiting na rekord at krusyal na ambag sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino at kilusang anti-imperyalista sa daigdig.

Ang rehimeng Arroyo at ang amo nitong imperyalismong US ang tunay na mga terorista. Ang mga mapanupil nilang hakbang at ang Human Security Act mismo ay mga akto ng terorismo. Sinasalanta nito ang buhay at karapatan ng mamamayan. Ibinubunsod nitong mamuhay sa takot ang mamamayan upang manahimik at huwag lumaban.

Kaisa ng sambayanan, ang migrante at pamilya ay kikilos upang ibasura ang Human Security Act. Kasama ng sambayanan, tatapatan ng migrante at pamilya ang terorismo ng estado ng sama-samang pagkilos at matapang na paggigiit ng karapatan.

 

IBASURA ang anti-migrante at anti-mamamayang Human Security Act!

Labanan ang terorismo ng rehimeng Arroyo!

Itigil ang persekusyon sa migranteng Pilipino!

Itigil ang persekusyon kay Prof. Jose Maria Sison!

Labanan ang terorismo ng imperyalismong US!

Categories: statements